MANILA, Philippines – Magkakaroon ang publiko ng pagkakataon na makita at makilatis ang Pambansang boksingero sa gaganaping box-off ng ABAP.
Sa Enero 23 magsisimula ang sparring ng mga kasapi ng national pool para madetermina kung sino ang mga puwedeng ipanlaban sa SEA Games sa Singapore sa Hunyo at sa dalawa pang malalaking kompetisyon.
Ang elite males boxers ay isasalang din sa World Men’s Championship sa Doha, Qatar mula Oktubre 11 hanggang 27 habang ang mga juniors (15-16) at youth (17-18) boxers ay lalaban sa World Junior and Youth Boxing Championship sa Chinese Taipei sa Mayo.
Ang World Championship ay isa ring qualifying event ng AIBA para sa 2016 Rio Olympics kaya’t kailangang matiyak na handang-handa at kondisyon ang mga ilalabang boksingero ng bansa.
“Ang box-off ay sisimulan sa January 23 at dito muna sa ABAP Gym. Pero nakikipag-usap ako sa mga Mall owners at mga Local Government Units para ang ilang box-off ay dito gawin para makita sila ng mga tao at magkaroon ng exposures. Hopefully by April ay makakapili na kami ng mga panlaban sa tatlong major tournaments for 2015,” wika ni ABAP executive director Ed Picson.
Ang pagbukas ng box-off sa mga miron ay isa ring pamamaraan para ipakita na marami pang ibang boksingero na mahuhusay ang ABAP na puwedeng sandalan para manalo sa ibang international tournaments.
Nalalagay sa kontrobersya ang ABAP matapos ihayag na hindi nila balak isama sa bubuuing Pambansang delegasyon para sa SEA Games sina Olympian Mark Anthony Barriga at Incheon Asian Games silver medalist Charly Suarez para pagtuunan ng mga ito ang lalahukang AIBA Pro Boxing.