MANILA, Philippines – Tatlong malalaking torneo ang sasalihan ng Philippine Badminton Association (PBA) Smash Pilipinas National Team para mapasimulan ang paghahanda sa gaganaping 2016 Rio Olympics qualifying sa Mayo.
Sa Pebrero magsisimula ang paghahanda ng Pambansang koponan sa ilalim ng pamamahala ni foreign coach Paulas Firman at dadalhin sila sa Iran, Austria at Germany.
Ang unang kompetisyong sinisipat ay ang Iran Fajr International Challenge sa Tehran mula Pebrero 12 hanggang 15 bago sundan ng Austria Open sa Vienna mula Pebrero 18 hanggang 21 at ang 2015 Yonex German Open mula Pebrero 24 hanggang Marso 1.
Kasalukuyang namimili pa si Firman ng mga manlalaro na ipadadala sa nasabing mga kompetisyon.
Puspusan ang gagawing paghahanda ng badminton players dahil ipinag-utos ng liderato sa pangunguna ni PBA chairman Manny V. Pangilinan at Secretary-General Congressman Albee Benitez na gawin ang lahat ng makakaya para makapagpadala uli ang Pilipinas ng kinatawan sa Olympics.
Si Amparo “Weena” Lim ang natatanging manlalaro ng Pilipinas na nakasali sa badminton sa Olympics na nangyari noon pang 1996 Atlanta edition.
Magsisimula ang Olympic qualifying mula Mayo 1 at isang taon ang panga-ngalap ng puntos sa mga kompetisyong may basbas ng Badminton World Federation para makakuha ng puwesto sa men at women’s singles (38 slots), men’s at women’s doubles (16) at mixed doubles (16).