MANILA, Philippines - Ang pinakamabilis na siklista ang siyang magkakampeon sa 6th Le Tour de Filipinas.
Ito ang opinyon ni individual champion Mark Galedo kaugnay sa naturang cycling event na pakakawalan sa Pebrero 1-4.
“Sa tingin ko mas magiging matulin ang karera ngayon,” wika ni Galedo, kakatawan para sa Philippine team, sa press launch ng Le Tour, may basbas ng UCI (Union Cycliste Internationale), kahapon sa Manila Hotel.
Idinagdag pa ni Galedo na madedetermina na kaagad sa Stage One kung sinu-sino ang maglalaban sa Finals.
Magsisimula ang naturang four-day road spectacle na may total distance na 530.09 kilometro sa isang 126-km “Balanga Circuit Race” sa Balanga, Bataan.
Mula sa Balanga ay sasabak ang mga siklista sa isang 153.75-km ride patungong Iba, Zambales para sa Stage Two kasunod ang 149.34 km race papuntang Lingayen, Pangasinan para sa Stage Three.
Sa Stage Four ay mag-uunahan ang mga riders sa 101-km climb sa Baguio via Kennon Road.
“Last year, masyadong technical ang labanan,” ani Galedo, sa ruta noong 2014 na bumagtas sa Cordilleras mula sa Kayapa, Nueva Vizcaya hanggang Baguio. “Pero ngayon, hindi gaano kataas ang ahunan kaya maraming atake at banatan na mangyayari sa patag pa lamang.”
Sasabak din sa karera sina 2011 Iranian champion Rahim Emami ng Pishgaman Yzad Pro Cycling Team at si Ghader Mizbani, ang 2013 edition winner, para sa Petrochemical Team.