MANILA, Philippines – Sinimulan kahapon ang fitness test sa mga atletang nasa pangangalaga ng Philippine Sports Commission.
Nangasiwa sa pagsusuri sa kondisyon ng Pambansang aleta ang mga banyagang sports science experts na sina Terry Rowles at Dr. Scott Lynn at ito ay ginawa sa Philsports sa Pasig City.
Nasa 40 atleta mula sa dragon boat at canoe-kayak ang unang sinuri ng dalawa na ang dahilan ng pagbisita sa bansa ay para isagawa ang Sports Science seminar 6 at 7 mula Lunes hanggang Miyerkules sa Philsports Arena.
“Ito ay bahagi ng programa ng PSC na i-assess ang kondisyon ng mga atleta. Gagawin ito hanggang sa Sabado at iba’t-ibang batch ng atleta ang haharap,” wika ni PSC executive director Atty. Guillermo Iroy.
Ang makikita sa pagsusuri ay magagamit ng mga National Sports Associations (NSAs) para rito buuin ang kanilang training programs.
Mahalaga ang magkaroon ng magandang kondisyon ng mga atleta dahil naghahanda ang Pilipinas para sumali sa SEA Games sa Singapore mula Hunyo 5 hanggang 16.
Samantala, dumarami na rin ang nagpapatala para sa tatlong araw na seminar.
Ang programa na inimplementa ni PSC chairman Ricardo Garcia ay sinimulan noong 2013 at ipinamamahagi ng mga dayuhang speakers ang makabagong pamamamaraan ng pagsasanay gamit ang sports science sa kalalakihan at kababaihan.
Ito ang ikalawang pagkakataon na nasa bansa si Rowles habang unang pagbisita naman ito kay Lynn. (AT)