MANILA, Philippines – Binigyan ng pagpupugay ng Team Prima ang mga atletang sinusuportahan na kuminang sa mga sports na inaaniban.
Nanguna rito ang mga tinitingalang bowlers na sina Biboy Rivera at Krizziah Tabora na ginawaran ng Bowler of the Year sa isinagawang Athlettes Recognition Night sa 2014 sa V Corporate Centre sa Makati City.
Ang 40-anyos at 2010 Asian Games gold medalist na si Rivera ang kinatawan ng bansa sa 2014 Bowling World Cup at kampeon sa Philippine National Games Masters title noong Mayo at ang parangal ay kanyang ikawalo na.
Sa kabilang banda, si Tabora na naglaro sa Asian Games sa Incheon, Korea ay nanguna sa PBA Open Masters at nakagawa ng kanyang kauna-unahang perfect game sa kanyang career.
Sina Enzo Hernandez at Bea Hernandez ang kinilala bilang Male at Female Youth Bowler of the Year habang sina GJ Buyco at Samantha Lagcao ang mga pinakamahusay na bowlers mula Cebu.
Ang Most Improved Bowler of the Year awards ay sina Ray Snyder (male) at Dale Lazo (female).
Sumusuporta rin ang Team Prima sa cycling at badminton at sina Eboy Farr ang pinarangalan bilang Cyclist of the Year at sina Sonny Montilla (male) at Camille Gotohio (female) sa Badminton Player of the Year.
Si Farr ay kinilala dahil sa pagigign ASEAN MTB Cup Series Overall sa Men Masters, si Montilla ay may 12 titulong napanalunan sa 2014 habang si Gotohio na may 12 titulo rin, ang ginawaran ng MVP sa 6th Strike Revilla Cup dahil sa rami ng medalyang napanalunan sa nasabing kompetisyon.