MANILA, Philippines - Magkasunod na nakipag-draw si GM Wesley So kina Chinese Grand Master Bu Xiangzhi at American GM Julio Becerra para tuluyan nang angkinin ang titulo bagama’t may natitira pang round sa 24th North American Chess Open sa Las Vegas, Nevada.
Natapos ang anim na sunod na panalo ng top-seeded na si So makaraang makipaghati ng puntos sa second-ranked na si Bu sa isang marathon 82-move standoff gamit ang Maroczy bind variation ng Sicilian Defense.
Matapos ang ilang oras ay isang mabilis na 18-move draw naman ang inihirit ni So kay Becerra sa isang Ruy Lopez game para sikwatin ang premyong $10,000.
Sa walong rounds ay may 7.0 points si So mula sa kanyang 6 wins at 2 draws kasunod sina Becerra, Bu at American Alex Yermolinsky, nakipag-draw kay Bu sa 19 moves ng isang Slav duel, sa magkakatulad nilang 6.0 points.
Makakamit ni So ang first place anuman ang maging resulta ng kanyang laro sa ninth at final round dahil sa superior tiebreak.
Ito ang ikaapat na sunod na panalo ni So ngayong taon matapos maghari sa Cablanca Memorial sa Cuba, ACP Golden Classics sa Bergamo, Italy at sa Millionaire’s Cup sa United States kung saan siya nagbulsa ng $100,000 na kanyang pinakamalaking premyo.
Nakatakdang sumabak si So sa Tata Steel Masters sa Jan. 9 sa susunod na taon sa The Netherlands kung saan niya makakatapat ang mga top GMs kasama sina reigning men’s at women’s world champions Magnus Carlsen at Hou Yifang.