MANILA, Philippines - Sa unang pagkakataon ay nagtanghal sa Pilipinas ang pinakamahuhusay na tennis players sa buong mundo.
Ipinarada ng Manila Mavericks, Singapore Slammers, Indian Aces at UAE Royals ang mga kagaya nina world women’s top two players Serena Williams at Maria Sharapova at men’s top three netters na sina Andy Murray, Tomas Berdych at Marin Cilic.
Kasama rin sa grupo sina Kristina Mladenovic, Goran Ivanisevic, Carlos Moya, Jo-Wilfred Tsonga, Marin Cilic at Nenad Zimonjic at Daniela Hantuchova.
Hindi naman nakasama sa grupo sina Novak Djokovic at Roger Federer na naglaro sa ibang bahagi ng IPTL, samantalang may injury si Rafael Nadal.
Hindi na nakapagtataka na hindi ito tinangkilik ng mga Filipino tennis fans dahil sa sobrang taas ng halaga ng tiket.
Halagang P2,500 ang dapat mong ilabas para makaupo sa General Admission, habang aabot naman sa P49,000 ang presyo ng tiket sa VIP section.
Sa kabila ng konting nanood ay ipinakita pa rin ni Sharapova ang kanyang husay matapos talunin si Mladenovic, 7-3, para sa panalo ng Manila Mavericks sa opening day ng IPTL na idinaos sa Mall of Asia Arena sa Pasay City noong Nobyembre 28.
Inamin ni Sharapova, ang women’s world No. 2 player, matagal na niyang gustong pumunta sa Pilipinas.
“The Philippines has always been a place that I’ve wanted to visit,” sabi ng 27-anyos at 6-foot-2 lady netter. “I always knew that I had a huge fan base in the Philippines, and it’s one of the biggest reasons why I came here.”
Sinabi ni Sharapova, ang five-time Grand Slam singles champion, na kaagad niyang sinamantala ang pagkakataon na makabisita sa bansa nang mabalitaan ang IPTL.
“I usually don’t play too many exhibition matches in the off-season, but when I heard that I had the opportunity to come to Manila and play for my fans here, I thought it would be a great opportunity,” pahayag pa ng Russian.
Kagaya ni Sharapova, isang bagong eksperyensa rin para kay Williams ang makapaglaro sa harap ng kanyang mga Filipino fans.
“The reaction was really nice and was really overwhelming,” wika ng 33-anyos na si Williams. “To play in front of you guys is really my honor.”
Samantala, nakita naman sa aksyon si Filipino doubles veteran Treat Huey na nakipagtambal kay Tsonga sa kanilang 4-6 kabiguan kina Cilic at Zimonjic.
Natalo rin sina Murray at Sharapova kina Mladenovic at Zimonjic, 4-6.
Itinuring naman ni International Premier Tennis League managing director Mahesh Bhupathi na naging matagumpay ang kanilang event.
“With the kind of high we started off here in Manila we can safely say that we’re off to a good start,” wika ni Bhupathi sa Manila leg ng IPTL.
Matapos ang Manila leg ay nagtungo ang mga aksyon ng IPTL tour sa Singapore, New Delhi at Dubai.