MANILA, Philippines – Sa kabuuan ng kanilang semifinals series ay walang naisagot ang Tropang Texters kay Beermen star center June Mar Fajardo.
Humakot ang 6-foot-10 na si Fajardo ng 28 points, ang 11 dito ay kanyang iniskor sa fourth quarter, at 16 rebounds para tulungan ang San Miguel sa 100-87 paggiba sa Talk ‘N Text sa Game Four para umabante sa championship series ng 2014-2015 PBA Philippine Cup kagabi sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Winalis ng Beermen ang kanilang best-of-seven semifinals showdown ng Tropang Texters sa 4-0 patungo sa kanilang record na ika-35 finals appearance.
“I defined the role of the players,,” sabi ni coach Leo Austria. “Solid sila, we help each other, kahit ‘yung players na hindi nagagamit very supportive sila.”
Mula sa 24-20 abante sa first period ay pinalobo ng San Miguel, huling nagkampeon sa Philippine Cup noong 2011 sa ilalim ni Talk ‘N Text coach Jong Uichico, ang kanilang kalamangan sa 16 puntos, 73-57, sa pagtatapos ng third quarter.
At mula rito ay hindi na pinaporma ng Beermen ang Tropang Texters.
Samantala, kung naging pisikal ang nakaraang apat na laro, asahan nang mas magiging hitik sa aksyon ang Game Five sa pagitan ng Rain or Shine at Alaska.
Kapwa hangad ang krusyal na 3-2 bentahe sa kanilang best-of-seven semifinals series, magtatagpo ang Elasto Painters at ang Aces ngayong alas-5 ng hapon.
Itinabla ng Rain or Shine ang serye sa 2-2 sa bisa ng 98-91 panalo sa Game 4 noong Huwebes. (RC)
SAN MIGUEL 100 - Fajardo 28, Cabagnot 16, Lutz 15, Santos 13, Tubid 11, Lassiter 7, Ross 6, Maierhofer 2, Omolon 2, Kramer 0, Pascual 0, Fortuna 0, Semerad 0, Chua 0.
TALK N’ TEXT 87 - Alapag 17, Fonacier 12, Seigle 12, Rosser 11, De Ocampo 11, Castro 6, Reyes R. 5, Williams 5, Washington 4, Alas 4, Carey 0, Reyes R. J. 0, Espiritu 0, Aban 0.
Quarterscores: 24-20, 49-38, 73-57, 100-87.