Watanabe isinalba ang Pinas sa Asian Jr. Judo Championships
MANILA, Philippines – Isinalba ni Fil-Japanese Kiyomi Watanabe ang sana ay kawalan ng ginto ng national judo team na kumampanya sa 15th Asian Junior Judo Championships kamakailan sa Hong Kong.
Ang judoka na ipinanganak sa Cebu City bago tumulak patungong Japan sa edad na walong taon ay nanalo kay Aigerim Abilkadirova ng Kazakhstan sa finals ng women’s -63-kilogram division upang magiging kauna-unahang manlalaro ng Pilipinas na nanalo ng ginto sa Asian-level juniors competition.
Walo lamang ang judokas na naglaban sa nasabing dibisyon at naipit ni Watanabe sa pagkakahiga si Abilkadirova para makuha ang panalo at mahigitan ang bronze medal na napanalunan noong 2013 sa Hainan, China.
Nasa quarterfinals na agad ang mga naglaban at tinalo muna ng Myanmar SEA Games gold medalist na si Watanabe si Tursunpashasha Nurmetova ng Uzbekistan bago isinunod si Renu Kundu ng India sa semifinals.
Si Bianca Mae Estrella na kumampanya sa women’s -78kg division at may anim na judoka na naglaban ay nalagay sa ikalimang puwesto nang natalo agad kay Lee Wan Tzu ng Chinese Taipei. Sa repechage ay bigo rin si Estrella kay Odkhand Davaadorj ng Mongolia.
Si Joshua Raphael Tan ang panlaban ng bansa sa men’s -90-kg pero sibak agad siya kay Temirlan Kolbay ng Kazakhstan.
Isinabay sa kompetisyon ang 8th Asian CADETS Judo Championships at sina Renzo Miguel Cazenas (-90kg) at Dither Tablan (+90kg) ay nalagay sa ikawalong puwesto.
Ang Phillippine Judo Federation (PJF) sa pangunguna ng pangulong si Dave Carter ang naglahok sa delegasyong suportado rin ng Philippine Sports Commission (PSC).
Ang judo ay isa na sa mga priority sports na puwedeng sandalan sa medalya sa 2015 Singapore SEA Games.
- Latest