MANILA, Philippines – Manatiling walang talo bago ang bakasyon sa PBA D-League Aspirants’ Cup ang pagtatangkaan ngayon ng Hapee Fresh Fighters at Cagayan Valley Rising Suns sa pagharap sa magkahiwalay na kalaban sa Marikina Sports Complex, Marikina City.
Pasok na sa quarterfinals, lalapit pa ang Hapee sa awtomatikong upuan patungo sa Final Four sa pamamagitan ng paggupo sa MP Hotel Warriors sa alas-2 ng hapon.
Sa kabilang banda, ang Rising Suns ay magbabalak angkinin ang ikalawang upuan sa quarterfinals laban sa Racal Motors Alibaba sa huling laro sa alas-2 ng hapon.
Hindi pa rin natatalo ang Cagayan matapos ang anim na laro.
Magbubukas ng aksyon sa triple-header game na siyang kahuli-hulihan sa taong 2014 ay ang tagisan ng Wangs Basketball Couriers at MJM- Builders sa alas-10 ng umaga.
Hanap ng koponan ni team owner Alex Wang ang wakasan ang tatlong sunod na talo na nagsantabi sa magandang 2-1 panimula.
Sa 2-4 baraha at may nalalabing limang laro na lamang sa iskedyul sa elimination round ay kailangang maipanalo nila ang mga laro para makaabante sa quarterfinals.
Galing ang Fresh Fighters mula sa 70-55 pagdurog sa Café France Bakers para maging paborito sa Warriors na may isang panalo lamang matapos ang pitong asignatura.
Sina Bobby Ray Parks, Jr. at Garvo Lanete, naghahatid ng 15 at 11.6 puntos averages, ayon sa pagkakasunod, ang mga mangunguna sa koponan pero hindi pahuhuli ang ibang kasamahan dahil tiyak na ayaw nilang lumasap ng pagkatalo bago iselebra ang Kapaskuhan.
Ganito rin ang inaasahang gagawin ng Rising Suns na aasa kina 6-foot-7 center Moala Tautuaa, Abel Galliguez, Eric Salamat, Don Trollano at Alex Austria.
Magagamit pa ng Cagayan bilang dagdag na inspirasyon ang pagkakasuspindi ng tatlong laro at multang P50,000.00 sa kanilang head coach Alvin Pua nang sadyang banggain ang referee sa halftime sa laro laban sa Jumbo Plastic Giants na kanilang naipanalo, 82-74.
Hindi naman basta-basta susuko ang Alibaba dahil sa 2-5 baraha ay nasa must-win sila sa nalalabing apat na laro para makaiwas sa maagang bakasyon.