Beermen may bentahe na

Laro Ngayon

(Mall of Asia Arena,

Pasay City)

5 p.m. Rain or Shine

vs Alaska (Semis, Game 2)

 

MANILA, Philippines - Sa  isang iglap ay kinuha ng San Miguel ang 17-point lead sa halftime matapos ang seven-point deficit sa first period para angkinin ang 1-0 bentahe sa kanilang semifinals series ng Talk ‘N Text.

Isang 19-2 atake ang inilunsad ng Beermen sa loob ng walong minuto sa se­cond quarter para gibain ang Tropang Texters, 109-86, sa Game One ng kanilang best-of-seven semis duel sa 2014-2015 PBA Philippine Cup kagabi sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Bagama’t naging mahina ang panimula sa opening period kung saan lumamang ang Texters, 27-20, nag-init naman sina Arwind Santos, June Mar Fajardo at Chris Lutz sa second quarter para sa 53-36 abante ng San Miguel sa halftime.

Pinalobo ng Beermen, ang ikalawang koponang kumuha ng isa sa dalawang outright semifinals seat bukod sa Rain or Shine Elasto Painters, ang kanilang kalamangan sa 30 puntos, 74-44, matapos ang three-point shot ng nagbabalik na si Alex Cabagnot sa 4:16 minuto ng third canto.

Ipinoste ng San Miguel ang pinakamalaki nilang bentahe sa 33 puntos, 101-68, sa 5:10  ng fourth period.

Samantala, tatargetin ng Alaska ang malaking 2-0 bentahe sa pagsagupa sa Rain or Shine sa Game Two ng kanilang semis showdown ngayong alas-5 ng hapon sa Mall of Asia Arena.

Nauna nang tinalo ng Aces ang Elasto Painters, 87-80, matapos buma­ngon mula sa isang 17-point deficit sa second period sa Game One noong Huwebes. (RCadayona)

SAN MIGUEL 109 - Fajardo 23, Santos 21, Cabagnot 13, Lassiter 10, Lutz 7, Tubid 7, Pascual 6, Kramer 5, Semerad 5, Fortuna 4, Omolon 4, Maierhofer 2, Chua 2, Ross 0.

Talk ‘N Text 86 - De Ocampo 20, Seigle 16, Washington 9, Alapag 7, Rosser 7, Castro 6, Alas 5, Espiritu 5, Williams 4, Carey 3, Fonacier 3, Reyes R.J. 1, Reyes R. 0, Aban 0.

Quarterscores: 20-27; 53-36; 81-56; 109-86.

Show comments