Pinoy riders may bentahe sa 2015 Le Tour De Filipinas

MANILA, Philippines – Ang kasanayan sa klima at ang pagiging pamilyar sa ruta ang magiging bentahe ng dalawang koponan ng Pilipinas sa 2015 Le Tour De Filipinas na nakatakda sa Pebrero 1-4.

Ito ang pahayag nina Donna Lina-Flavier, ang pre­sidente ng ace organizer na Ube Media, at race ma­nager Paquito Rivas kahapon sa PSA sports forum sa Shakey’s Malate.

“We are banking on our cyclists to go for back-to-back titles,” wika ni Lina-Flavier sa national team at continental squad na 7-11.

Makakasabayan ng mga Filipino riders ang mga la­hok ng Australia, US, Kazakshtan, Brunei, Indonesia, Uz­bekistan, Iran, Malaysia, Japan at Taiwan.

Kumpiyansa si Rivas sa kakayahan ng mga Pinoy cyclists.

“Madiskarte ang mga Pinoy,” sambit ni Rivas, ang 1978 Tour champion, sa national team na babanderahan ng nagdedepensang si Mark Galedo.

“Nakakalamang siyempre ang mga Pinoy dahil sanay na sila sa klima rito, pati sa route. Kaya may laban tayo sa ibang bansa,” dagdag pa nito.

Maliban kay Galedo at isa pang Filipino na nagkampeon sa Le Tour ay si Baler Ravina.

Ang iba pang naghari ay sina inaugural champion Da­vid McCann (Ireland), Rahim Emami (Iran) at Ghader Mizbani (Iran).

Ang Stage One sa Pebrero 1 ay isang out-and-back 126-km Balanga-Balanga ride sa mga bundok ng Ba­taan, habang ang Stage 2 sa Pebrero 2 ay 153.75 kms flat racing mula Balanga hanggang sa Iba, Zambales.

Isang 149.34-km race mula sa Iba patungong Linga­yen, Pangasinan ang Stage 3 sa Pebrero 3 at ang Stage 4 sa Pebrero 4 ay galing sa Lingayen hanggang sa Burnham Park sa Baguio City via Kennon Road.

Show comments