Amir gusto ring makalaban si Floyd

LAS VEGAS – Isinama ni Amir Khan ang kanyang pangalan para sa mga posibleng labanan ni Floyd Mayweather Jr. matapos kunin ang 12-round decision laban kay former champion Devon Alexander sa isang welterweight matchup.

Ginamit ni Khan (30-3) ang kanyang liksi at kanang kamay sa bawat round para talunin si Alexander.

Hindi naman napabagsak o nasaktan man lamang ng British fighter si Alexander (26-3) ngunit naging impresibo sa kanyang ipinakita para mapabilang sa lineup na maa­a­ring makasagupa ni Mayweather.

Nakakuha si Khan ng 120-108 points sa isang judge, habang binigyan siya ng dalawa pang judges ng 119-109 at 118-110.

Sinabi naman ni Promoter Oscar De La Hoya na ang laban nina Khan at Mayweather ang gusto niyang mapanood kung hindi na naman matutuloy ang banggaan nina Mayweather at Manny Pacquiao.

Nakita ang dominasyon ni Khan kay Alexander sa ringside stats kung saan siya nakapagpatama ng 243 sa pinakawalan niyang 563 punches kumpara sa 91 of 461 ng dating two-time champion.

Show comments