BANGKOK--Kailangang manalo ang Azkals ng titulo para patunayan sa lahat na tunay ang magandang pagtingin ng ibang bansa sa Pambansang koponan.
Nanguna sa FIFA rankings ang Pilipinas sa hanay ng South East Asia pero agad na isinantabi ni Azkals team manager Dan Palami ang mataas na ekspektasyon sa kakayahan ng koponan.
“Until we get the Cup, we’ll remain a potential Asean football power,” wika ni Palami. “There’s nothing like the Cup to prove that we are indeed a force to reckon with.”
Sa ikatlong pagkakataon ay nasa semifinals ng AFF Suzuki Cup ang nationals at kagabi ay kasipaan ang Thailand para sa ikalawa at huling tagisan sa semifinals.
Hiniritan ng Pilipinas ng 0-0 draw sa home game ang Thais at kailangan ang scoring draw para makaabante sa championship round sa unang pagkakataon.
Kung sakaling hindi pa rin palarin ang koponan, may mga torneo pa na puwedeng pagtangkaan ng bansa para makatikim ng titulo sa 2015.
Nangunguna na rito ang 2018 Fifa World Cup qualifyiers na isa ring qualification para sa 2019 Asian Football Confederation (AFC) Asian Cup.
Buo ang paniniwala ni Palami na makakamtan sa hinaharap ng Azkals ang hangaring titulo kaya’t patuloy ang pananalig niya na hindi mawawala ang suporta ng lahat sa koponan.
Bunga nito ay inilunsad niya ang ‘Small Change, Big Change’ program na kung saan ang lahat ng Filipino ay puwedeng mag-ambag ng pondo na gagamitin ng Azkals sa kanilang preparasyon at paglahok sa malalaking torneo.