MANILA, Philippines - Dahil ang mga sinalihang world championships ay ginagawa taun-taon kung kaya’t walang matatanggap na insentibo ang mga taekwondo jins at junior billiards players na nanalo ng medalya kamakailan.
Ayon kay PSC chairman Ricardo Garcia, ang mga nilahukang torneo ng mga atleta sa taekwondo at billards ay hindi kasama sa binibigyan ng insentibo ng pamahalaan base sa RA 9064 o Incentives Act dahil ang kinikilala lamang ng batas ay mga world championships na ginagawa tuwing apat na taon.
Nag-uwi ng tatlong ginto, dalawang pilak at tatlong bronze medals ang Pilipinas sa World Taekwondo Poomsae Championships sa Aguacalientes, Mexico habang sina Jeffrey Roda at Cheska Centeno ay sumungkit ng pilak at bronze medals sa World Junior Pool Championships sa Shanghai, China.
Kasalukuyang dinidinig sa Kongreso ang rebisyon sa RA 9064 para isama ang ibang malaking kompetisyon na sinasalihang bansa pero hindi binibigyan ng pamahalaan ng insentibo.
Kasama rin sa pinag-uusapan ay ang pagpapalaki sa gantimpala na ibinibigay ng gobyerno sa mga differently-abled athletes na nananalo sa Para-Games.
Sa kasalukuyan ay nagbigay ang PSC ng insentibo sa mga differently-abled athletes mula sa kanilang pondo at ang mga nanalo ng medalya sa Incheon, Korea ay ginawaran ng P25,000.00, P15,000.00 at P10,000,00.
Pero ang insentibo ay hindi pa kinukuha ng mga nanalong atleta dahil masyado umano itong mababa kumpara sa tinatanggap ng mga abled-athletes.
“They are not covered by RA 9064 and we can’t do anything about it,” dagdag ni Garcia.
Kasabay nito ay ang pagpapalabas ng pondo ng PSC ng halagang P850,000,00 bilang gantimpala sa mga atleta at coaches na nanalo sa Asian Beach Games sa Phuket, Thailand.
May 3 ginto, 2 pilak at 7 bronze ang nasungkit ng delegasyon at ang ginto ay nagkakahalaga ng P100,000.00, ang pilak ay P50,000.00 at ang bronze ay P25,000.00. (ATan)