MANILA, Philippines – Mapupunta lamang sa wala ang gumagandang kondisyon ng Philippine volleyball dahil sa hangarin ng ilan na agawin ang liderato sa Philippine Volleyball Federation (PVF).
Sa isinagawang PSA Forum kahapon sa Shakey’s Malate, ang mga kasapi ng national men’s at women’s team ay dumalo kasama ni PVF secretary-general Rustico ‘Ottie’ Camangian para kondenahin ang ginawa ng anim na PVF directors sa pangunguna ni Edgardo “Boy” Cantada, na nagpulong at nagsagawa ng eleksyon bago idineklara na sila ang lehitimong grupo.
“We don’t need this, ngayon na lahat ng sectors sa Philippine volleyball, mula sa players, coaches at sponsors, ay united,” wika ni Gretchen Ho, ang ambassadress ng Philippine Superliga at media affairs ng PLDT Home Fibr na siyang sumusuporta sa dalawang Pambansang koponan.
“Bakit hindi sila pumasok noong nagsisimula pa lamang kami. Ano ang purpose nila ngayon?” dagdag ni Michelle Datuin na public affairs officer ng PLDT.
Si Karl Chan ang pangulo ng PVF na kinikilala rin ng grupo ni Cantada pero hindi nila tanggap ang pagkakaluklok ni Camangian bilang sec/gen at ang pagkakatatag ng interim administration na napagkasunduan sa huling PVF board meeting noon pang Mayo 31, 2013.
Nasa forum din si Camangian at inihayag niya na malinis ang naganap na PVF board meeting noon pero hindi nabatid ni Cantada ang ibang napagkasunduan dahil nag-walkout ito habang nasa kalagitnaan ng pagpupulong.
Inamin niya na mga usaping teknikal ang ipinupuntos ni Cantada pero naniniwala siya na nasa tamang landas ang direksyong kanilang tinatahak dahil ang lahat ay nasisiyahan sa pagbabagong nangyayari sa Philippine volleyball.
Sa liderato ni Chan na panig kay Camangian ay nakapagsagawa ang PVF ng open tryouts para makakuha ng mga panlaban sa 2015 SEA Games sa Singapore.
Pumasok din ang mga sponsors at bukod sa PLDT Home Fibr ay tumulong din ang SM Group sa ipinadalang girls team na tumapos sa makasaysayang ikapitong puwesto sa 10th Asian Youth Girls Volleyball Championship sa Thailand.