Bergsma ‘di nagkamali sa desisyong lumaro sa Lady Blaze spikers pagtutulungan susi ng Petron sa titulo

MANILA, Philippines - Sulit ang ginawang de­sis­­yon ni Alaina Bergsma na maglaro sa Petron Lady Blaze Spikers sa 2014 Phi­lippine Superliga Grand Prix na handog ng Asics.

Hinirang na kampeon ang Lady Blaze Spikers nang talunin ang Generika Life Savers, 25-21, 21-25, 25-15, 25-9, noong Linggo sa pagtatapos ng ligang inor­ganisa ng Sports Core at may suporta ng Air21, My Phone, Via Mare, Mikasa, Mueller Sports Medicine, Healthway Medical, Generika Drugstore, LGR at Jinling Sports bilang technical partners.

Si Bergsma na tumapos taglay ang 21 kills tu­ngo sa 24 puntos, ang si­yang kinilala bilang Most Valuable Player ng kompe­tisyon.

Muntik nang hindi mag­laro si Bergsma sa Petron dahil ilang buwan bago tumulak pa-Manila ay nagpakasal sila ni Kevin Coble, isang 6’8 basketball player na pinangunahan ang sco­ring at rebounding sa kanyang unang tatlong taon sa Northwestern University (2006-2009).

“It wasn’t an easy decision bit I had to do it,” wika ni Bergsma na kinilala rin bilang Miss Photogenic award sa 2012 Miss USA beauty pageant.

Hindi rin siya nagkaroon ng anumang pagdududa sa kakayahan ng koponan na manalo dahil lahat ng kanyang mga kakampi ay determinado na maabot ang kanilang layunin.

“When we started the season, our goal was to win the championship. It’s every team’s goal but I really felt that our team had the advantage going into this game,” dagdag ng 6’3 spiker.

Sa panig ni coach Geor­ge Pascua, ang ma­gandang pagtutulungan ng lahat ang susi para makatikim ng titulo ang koponan.

Si Bergsma ang kanyang pandiin pero hindi maisasantabi ang husay nina Erica Adachi, Dindin Santiago, Carmina Aganon at Frances Molina kaya’t dalawang beses lamang natalo ang koponan sa 11 larong hinarap.

“Lahat nagtulung-tulong sa panalong ito,” ani Pas­cua. Ang titulo ay may ka­­akibat na tiket para maka­laro ang Petron sa FIBV Wo­men’s Club Championship sa Vietnam sa  Abril.

“Sana available ang da­lawang imports. Pero magdadagdag tayo ng manla­laro mula sa ibang teams sa setter at middle spiker,” ani Pascua na tinu­ran sina setter Rhea Dimaculangan at attacker Aby Maraño bilang mga posibleng hugutin para sa Vietnam.

Pahinga muna ang liga at sa Marso na magsisi­mula ang bagong season at ang Cuneta Astrodome pa rin ang magiging taha­nan ng PSL.

 

Show comments