Texters pasok na sa quarters

MANILA, Philippines – Pinagningas nina Jimmy Alapag ang mabangis na paglalaro sa second period para pagtibayin ang 90-80 panalo ng Talk ‘N Text sa Blackwater Elite sa PBA Philippine Cup na idinaos sa Alonte Sports Are­na sa Biñan, Laguna kagabi.

May dalawang 3-poin­ters at walong puntos si Alapag sa nasabing yugto upang ang 17-16 iskor pabor sa Elite matapos ang unang yugto ay ginawang 46-32 bentahe ng Tropang Texters sa halftime.

Lumobo ang kalama­ngan sa pinakamalaking 22 puntos, 62-40, sa under­goal shot ni Rob Reyes para tiyakin ang ikaanim na panalo sa siyam na laro ng tropa ni coach Jong Uichico.

Hawak na ang puwes­to sa quarterfinals, puwede pang lumabas ang Talk N’Text sa dalawang awtoma­tikong upuan sa semifinals kung maipanalo ang nalalabing dalawang laro laban sa Purefoods Star at San Miguel Beermen.

Si Jason Castro ang na­nguna sa Texters sa tina­pos na 21 puntos at anim na rebounds at si Reyes ay mayroong 10 puntos.

Tumapos si Bryan Faundo taglay ang 22 puntos habang sina Bambam Gamalinda at Rob Celiz ay may 17 at 14 para sa Elite na natalo sa ika-10 pag­kakataon.

Samantala, babangon ang Barangay Ginebra mula sa magkasunod na pagkatalo habang hanap ng Purefoods Star ang ikalimang sunod na panalo sa pagpapatuloy ngayon ng laro sa Smart Araneta Coliseum.

Kalaban ng Ginebra ang Globalport sa ganap na alas-3 ng hapon bago palitan ng Purefoods laban sa Rain or Shine Elasto Painters dakong alas-5:15 ng hapon.

Magkatulad na 5-3 ang baraha ng Ginebra at Purefoods at ang makukuhang panalo ay magtutulak sa magkapatid na koponang papasok sa susunod na round.

Show comments