MANILA, Philippines - Magpapatibayan ang Philab at Adamson bukod sa Ateneo at ILLAM sa knockout games sa 2nd PSC Chairman’s Baseball Classic ngayong umaga sa Rizal Memorial Baseball Diamond.
Ang apat na koponang ito ay nasa loser’s bracket sa kompetisyong inorganisa ni PSC chairman Ricardo Garcia at ang matatalo ay tuluyang mapapatalsik sa 14-koponang torneo.
Ang Philab ang siyang nagdedepensang kampeon habang ang Ateneo ang UAAP titlist at hangad ng dalawang nabanggit na maipagpatuloy ang kampanya matapos matalo agad sa unang laro.
Sasandal ang Philab, kampeon din ng Commissioner’s Cup, sa kanilang karanasan dahil ang mga manlalaro nito ay ang dating kasapi ng Pambansang koponan para sibakin ang Falcons.
Ang Air Force at Unicorns ang nalalabing dalawang koponan sa winner’s group at maglalaban sila bukas.
Ang mananalo ang ookupa sa unang puwesto sa one-game finals at magtataglay ng twice-to-beat advantage laban sa mangunguna sa loser’s bracket.