Pinas umangat sa FIFA rankings
MANILA, Philippines - Hindi malayong magmarka ang taong 2014 sa Philippine football.
Ang Azkals ay pumasok sa semifinals ng AFF Suzuki Cup sa ikatlong sunod na taon at sa inilalaro ng koponan ay malaki ang posibilidad na makapasok pa sa Finals at makuha rin ang kampeonato.
Kung mangyari ito, tiyak din na maitatala ng bansa ang pinakamataas na ranking sa international football sa kasaysayan.
Sa bagong talaan na inilabas ng world body FIFA noong Nobyembre 27, ang Pilipinas ay umakyat ng isang baytang mula 129th noong nakaraang buwan tungo sa kasalukuyang 128th puwesto.
Binilang ang mga panalo ng Azkals sa Cambodia (3-0) noong Nobyembre 14 na isang international friendly at ang 4-1 pagdurog sa Laos sa pagbubukas ng Suzuki Cup sa Hanoi, Vietnam para maisantabi ang 3-0 pagkatalo sa Thailand noong Nobyembre 9 na isa ring international friendly.
Lalabas pa rin na ang Pilipinas ang number one sa hanay ng mga bansa sa South East Asia at angat sila ng 10 puwesto sa pumapangalawang Vietnam na nasa 138th puwesto.
Ang pinakamataas na ranking na nakuha ng bansa ay nasa 127th place na nangyari mula Disyembre 2013 hanggang Pebrero 2014.
Habang ang Pilipinas ang numero uno sa South East Asian, ang Thailand naman ang lumabas na may pinakamalaking inilundag nang nalagay ito ngayon sa 144th puwesto mula sa dating 165th place para maging pang-apat sa SEA nation.
Ang Myanmar ang nasa ikatlong puwesto sa 140th ranking habang ang Malaysia (155th), Indonesia (157th), Singapore (158th), Laos (159th) at Timor-Leste (185th) ang nasa ikalima hanggang ika-siyam na puwesto. (AT)
- Latest