Parks, Lanete itinawid ang Hapee sa solo liderato

Dinepensahan si Ke­vin Ferrer ng Cebuana ni Kirk Long ng Hapee sa aksyong ito sa PBA D-League Aspirants’ Cup. (PBA Image)

MANILA, Philippines - Mainit si Bobby Ray Parks Jr. habang si Garvo Lanete ay naghatid ng mga mahahalagang buslo sa huling segundo ng laro para kunin ng Hapee Fresh Fighters ang 72-66 panalo sa Cebuana Lhuillier Gems sa PBA D-League Aspirants’ Cup kahapon sa TIP Gym sa P. Casal sa Manila.

Hindi nakasama ng Hapee ang mga pambato ng NCAA titlist San Beda dahil napalaban sila sa finals sa Philippine Collegiate Champions League (PCCL) at naglaro lamang gamit ang walong players.

Kaya’t itinaas ni Parks ang naihahatid na numero sa koponan nang gumawa ito ng 23 puntos bukod sa pitong rebounds at dalawang steals.

May 13 puntos si Parks sa first half at ang kanyang nakumpletong 3-point play ang nagbigay pa sa Hapee ng 55-42 bentahe sa pagbubukas ng huling yugto.

Pero sa puntong naka­kabangon na ang Gems, si Garvo Lanete na ang u­malalay sa tropa ni coach Ronnie Magsanoc para masolo uli ang liderato sa 5-0 baraha.

Sa pagtutulungan nina Almond Vosotros at Mar Villahermosa, ang Gems ay nakadikit hanggang sa 66-68 sa huling 10.6 sa laro.

Ngunit naisalpak ni La­nete ang dalawang free throws mula sa foul ni Simon Enciso bago nahiritan ng turnover ang katunggali tungo sa lay-up pa ni Lanete na siyang nagpako sa pinal na iskor.

May 12 puntos pa si Lanete at walo rito ay kinana sa huling 10 minuto.

“Naramdaman ang pagod. Pero talagang lumaban sila hanggang sa huli,” papuri ni Magsanoc.

Si Vosotros at Villahermosa ay tumapos ng 20 at 14 puntos para sa Gems na bumaba sa 2-3 karta.

Samantala, gumamit ng malakas na panimula ang Cafe France Bakers tungo sa 69-59 panalo sa Tanduay Light Rhum Masters sa isa pang laro.

Mula sa 6-all, sina Ma­­verick Ahanmisi at Rodrigue Ebondo ay naghatid ng tig-isang triples para ilayo ang Bakers sa 18-6.

Isa pang 12-3 palitan na tumapos sa ikalawang yugto ang nagbaon pa sa Tanduay Light sa 15, 34-19 at mula rito ay hindi na nagpabaya pa ang Bakers para iangat ang karta sa 4-1 kasabay ng pagpapatikim ng ikaapat na pagkatalo sa Rhum Masters matapos ang limang laro.

 

Show comments