MANILA, Philippines – Pinagharian ni Mark Alcala ang 2014 OUE Singapore Youth International 2014 sa OCBC Arena hall 2 sa Singapore kamakailan.
Ang 15-anyos na si Alcala ay bumangon mula sa pagkatalo sa second set para silatin si third seed Gunawan Farid Pramadita, 21-17,18-21, 21-16, sa finals sa Under-17 singles division.
Ang panalo ay senyales na handa si Alcala sa gaganaping Axiata Cup sa Jakarta mula Nobyembre 27 hanggang Disyembre 3 kasama ang mga kasapi ng PBA (Philippine Badminton Association)-Smash Pilipinas.
Para makapasok sa finals, tinalo rin ni Alcala ang top seed na si Ng Zin Rei Ryan, 24-22, 21-18, sa Last 16.
Pinabagsak niya si Kaneko Mahiro ng Japan, 21-14,18-21, 21-12 sa quarterfinals bago tinalo si Islam Saehul, 21-17, 21-15, sa semifinals.
Si Alcala ay isa sa mga paborito na manalo sa P1.5 million Bingo Bonanza National Open badminton tournament na magbubukas sa Disyembre 11 sa Rizal Memorial Badminton Center.
Ang pagsali niya sa Singapore ay suportado ni PBA honorary chairperson at dating First Lady Amelita Ramos at ng Allied Victor Badminton Club at PCOME katuwang ang PBA Smash Badminton Club.