MANILA, Philippines – Gumawa ng 22 kills at limang blocks si Ara Galang para tulungan ang La Salle sa 25-23, 24-26, 25-14, 25-17, panalo sa Adamson Lady Falcons sa 77th UAAP women’s volleyball kagabi sa The Arena sa San Juan City.
Ang 27 puntos ni Galang ang kanyang pinakamataas pero hindi niya sinolo ang trabaho dahil sina Camille Mary Arielle Cruz, Mika Reyes at Kim Dy ay nakitaan din ng magandang laro lalo na sa huling dalawang sets para makahulagpos ang dating kampeon mula sa dikitang labanan sa unang dalawang sets.
Sa ikatlong set itinatak ng Lady Archers ang kanilang marka nang hawakan ang 14-9 bentahe sa attacks at 3-0 sa blocks para kunin ang momentum na hindi binitiwan hanggang sa natapos ang labanan na tumagal ng isang oras at 43 minuto.
Si Cruz ay may 10 hits, siyam ay sa kills, habang si Reyes ay may apat na blocks tungo sa siyam na puntos at si Dy na hindi pinalitan sa labanan, ay may limang hits.
Nauna rito ay ang pamamayagpag ng FEU Lady Tamaraws sa UP Lady Maroons, 25-14, 26-24, 25-20, sa unang laro para saluhan ng koponan at La Salle ang nagdedepensang kampeon Ateneo Lady Eagles at UST Tigresses sa unang puwesto.
May 14 kills tungo sa 15 puntos si Bernadeth Pons habang may 10 puntos si Remy Joy Palma, tampok ang limang kills at tatlong blocks para sa Lady Tamaraws
Samantala, nagwagi ang UST sa UE, 25-18, 25-22, 25-21, at ang UP ay humirit ng 22-25, 25-21, 25-14, 22-25, 15-12, panalo sa La Salle sa laro sa men’s division.