JEJU CITY, South Korea--Lumapit sa quarterfinal round si Nesthy Petecio, ang natitirang Filipina na naiwang lumalaban para sa Pilipinas sa 2014 World Women’s Championships, makaraang gibain si Ukrainian fighter Maryna Malovana.
Ito ang pangatlong sunod na arangkada ni Petecio, hangad na makapag-uwi ng medalya para sa bansa.
Nauna nang nakalasap ng magkakahiwalay na kabiguan sina Josie Gabuco at Irish Magno na pansamantalang nagpakulimlim sa kampanya ng koponan sa kompetisyon.
Sina Gabuco at Magno ay nagsilbing cheering squad ng 22-anyos na pambato ng Davao del Sur na si Petecio para manalo sa featherweight (57 kg.) division.
Ang lahat ng tatlong judges ay binigyan si Petecio ng magkakatulad na 40-36.
Sunod na lalabanan ni Petecio si Lu Qiong ng China para makapasok sa medal round.
Ang anim na panalo ang magbibigay kay Petecio ng gold medal sa naturang torneo.