MANILA, Philippines – Gumulong pa ang mga nagdedepensang kampeon sa kalalakihan at kababaihan na Perpetual Help sa kanilang ikatlong sunod na panalo nang manaig kahapon sa 90th NCAA volleyball sa The Arena sa San Juan City.
Nailista ng Altas ang kanila ring ika-50th sunod na panalo sa 25-20, 25-20, 25-20, pagwawagi laban sa Letran Knights habang ang Lady Altas ay umukit ng 25-21, 25-17, 27-25, tagumpay sa Lady Knights.
Sina Allan Jay Sala-an at Rey Taneo ay may tig-12 hits para sa Altas na hindi pa rin nagbibigay ng isang set sa naunang tatlong panalo habang ibinandera ang Lady Altas nina Ana James Diocareza, Ma. Lourdes Clemente at Shyrra Cabriana sa kanilang 19, 14 at 10 puntos.
Nalaglag ang Knights sa 1-2 baraha habang ang Lady Knights ay natalo sa ikatlong sunod na pagkakataon.
Pinataob ng Emilio Aguinaldo College ang hamon ng Jose Rizal University , 25-12, 25-17,25-19, para saluhan ang Altas sa unang puwesto sa 3-0 karta.
Ngunit hindi kinaya ng Lady Generals ang larong ipinakita ng Lady Bombers na nailusot ang 25-22,13-25, 25-22, 20-25, 15-12, panalo at kunin ang ikalawang panalo matapos ang tatlong laro bukod sa pagpapalasap sa EAC ng ikalawang kabiguan laban sa isang panalo. (AT)