Habang may buhay
MACAU – Muling umugong ang pangalan ni Floyd Mayweather Jr. dito kahapon habang papalapit pa lang ang laban ni Manny Pacaquiao kay Chris Algieri.
Sa Linggo ng tanghali ang laban sa Cotai Arena ng Venetian Hotel dito. Nakataya ang WBO welterweight title ni Pacquiao laban sa undefeated na Amerikano.
Pero sa loob ng gym kahapon, bago magsimula ang kanyang ensayo, hinarap ni Pacquiao ang mga mediamen. Natural lang na mabaling ang usapan kay Mayweather.
Matunog na matunog kasi sa boxing community na may mga taong kumikilos para gawin ang labanang Pacquiao vs Mayweather.
Matagal-tagal na rin kasing naghihintay ang mga tao para sa laban na ito.
Nakausap natin kahapon ng tanghali si Bob Arum, ang promoter ni Pacquiao, at siya mismo ang nagsabi na may posibilidad nga na maganap ang laban sa unang anim na buwan ng 2015.
Tahimik na negosasyon daw ang magaganap.
Sinabi naman ni Pacquiao na hindi na rin siya makapaghintay na labanan si Mayweather sa lalong madaling panahon.
“Hanggang nasa boxing ako at nasa boxing siya ay may pag-asang mangyari ang laban. I’m keeping my fingers crossed,” sabi ni Pacquiao.
Na kay Mayweather ang hatol dahil oras na sabihin niyang gusto na niyang labanan si Pacquiao ay siguradong aandar na ang negosasyon.
Mas-malaki ang makukuha ni Mayweather at walang tutol si Pacquiao rito. Sa kanya, ang importante ay matuloy muna ang laban.
Alam ko na ang nasa isip ni Pacquiao.
Matuloy lang muna ang laban at kapag tinalo niya si Mayweather ay may rematch na magaganap. Doon ay siya naman ang hari.
Siya naman ang masusunod. Sa kanya naman ang mas malaking kita.
Kanya-kanyang weather lang yan.
- Latest