PHUKET, Thailand – Kumulekta pa ng pilak at bronze medal ang Pilipinas sa water ski sa pagpapatuloy ng 4th Asian Beach Games dito.
Si Susan Madelene Larsson ang nanalo ng pilak sa women’s cable wakeskate sa nakuhang 82 puntos habang si Jose Cembrano ang umangking ng bronze medal sa naitalang 78 puntos sa men’s division.
Ang Pilipinas ay mayroon ng dalawang ginto, isang pilak at tatlong bronze medals pero sapat lamang ito para malagay sa ika-12 puwesto sa 45 bansang kompetisyon.
May pag-asa pang madagdagan ang medalyang mapapanalunan ng bansa dahil nagwagi sa ikalawang laro sina men’s beach volley players Edmar Bonono at Edward Ybañez nang hindi sumipot sina Khaled Alarqan at Abdelrahman ng Palestine.
Ang dalawang medalya ay sariwang hangin na tumabon sa pagkatalo ng ibang Pambansang atleta.
Natalo ang Perlas Pilipinas sa China, 13-19, sa semifinals para matanggal sa medal race habang ang women’s handball team ay natalo sa ikalawang sunod sa kamay ng Vietnam.
Ang mga pambato sa triathlon na sina Nikko Huelgas at John Chicano sa kalalakihan at Kim Mangorobang sa kababaihan ay hindi tumimbang at si Huelgas ay nalagay sa 15th at si Chicano sa 27th sa 39 naglaban habang si Mangorobang ay nasa 10th place.