Siargao Legends ‘di matibag sa liderato

MANILA, Philippines – Sa labanan ng dala­wang walang talong kopo­nan, mas naging matibay ang larong ipinakita ng Siargao Legends laban sa FEU-NRMF, 78-70, para manatiling lider sa Group B sa 4th DELeague Invitational Basketball Tournament noong Linggo ng gabi sa Marikina Sports Center sa Marikina City.

Tumapos si Charles Mammie ng 10 puntos at 11 rebounds habang ang mga ex-PBA stars na sina Marlou Aquino, Leo Najorda, Celino Cruz at Willie Miller ay nagtambal sa 24 puntos para sa ikatlong sunod na panalo ng Legends.

Bumaba sa ikalawang puwesto ang FEU sa 3-1 baraha at si Edwin Asoro ang nanguna sa koponan sa 22 puntos.

Tinambakan naman ng Uratex Foam ang Kawasaki-Marikina, 95-77, para maitabla ang karta sa 2-2 sa Group A.

Nalaglag ang Kawasaki sa 1-4 baraha sa ligang iti­nataguyod ni Marikina Mayor Del de Guzman at sinusuportahan ng PCA Marivalley, St. Anthony Hospital, PS Bank Blue Wave Marquinton Branch, Luyong Restaurant Concepcion, Mckie’s Equipment Sales and Rental, at Tutor 911.

Para sa resulta ng mga laro maaaring bisitahin ang www.sports29.com o ang facebook page ng DELeague.

Show comments