NLEX vs Purefoods 6-0 hirit ng Alaska

Tinangkang supalpalin ni  JC  Intal ng Barako Bull si Billy Mamaril ng Ginebra. (Jun Mendoza)  

MANILA, Philippines - Para kay American head coach Alex Compton ng Alaska, hindi mahalaga ang pagkakaroon ng mali­nis na kartada para makuha ang kampeonato.

“It’s a good start, but San Mig, 1-5 yata start nila dati pero nag-champion pa,” sabi ni Compton. “So the goal is not to be undefeated, but the goal is to be better and win the championship.”

Ibinabandera ang matayog na 5-0 baraha, lalabanan ng Aces ang Blackwater Elite nga­yong alas-4:15 ng hapon kasunod ang pagkikita ng Purefoods Hotshots at NLEX Road Warriors sa alas-7 ng gabi sa 2014-2015 PBA Philippine Cup sa Smart Araneta Coliseum.

Ang huling naging bik­tima ng Alaska ay ang Kia Sorento, 85-75 noong Nobyembre 11 kung sa­an humakot si Calvin Abueva ng 23 points at 20 rebounds.

“5-0 means we won’t lose 7 games. It’s what all of that means,” sabi ni Compton.

Hanap naman ng Elite ni mentor Leo Isaac, nagmula sa 72-87 pagkatalo sa Globalport Batang Pier noong Nobyembre 9, ang kanilang kauna-unahang panalo.

Muling sasandal ang Alaska kina Abueva, Cyrus Baguio, JVee Casio, Dondon Hontiveros at Vic Manuel laban kina Bryan Faundo, Alex Nuyles, Bam Bam Gamalinda, Sunday Salvacion at Paul Artadi ng Blackwater.

Sa ikalawang laro, mag-uunahan namang maka­bawi ang Purefoods ni Tim Cone at ang NLEX ni Boyet Fernandez mula sa nalasap nilang kabiguan.

Nanggaling ang Hotshots sa 66-89 pagkatalo sa Ginebra Gin Kings no­ong Nobyembre 9 at nalasap ng Road Warriors ang kanilang ikalawang dikit na kamalasan nang mabigo sa San Miguel Beermen, 76-79 noong Nobyembre 8 sa Tubod, Lanao del Norte.

Sina two-time PBA  Most Valuable Player Ja­mes Yap, Marc Pingris, PJ Simon, Mark Barroca at Rafi Reavis ang sasandigan ng Purefoods kontra kina Asi Taulava, Mac Cardona, Niño Canaleta at Rico Villanueva ng NLEX. 

Umaasa si Cone na makakaangat pa sila sa team standings sa kabila ng pabagu-bago nilang kapalaran.

Nakaapekto rin sa kampanya ng Hotshots ang pagkakaroon ng ACL injury ni forward Ian Sangalang

Sumailalim ang tubong Lubao, Pampanga sa isang 3 -minute surgery sa kanyang kanang tuhod noong Lunes para ayusin ang napunit na ACL at dalawang nasirang meniscuses.

Anim hanggang walong buwan ang kakailanganin ni Sangalang para makabalik muli sa paglalaro.

 

Show comments