MANILA, Philippines – Ipapakita ng Perpetual Help Lady Altas ang bagong puwersa laban sa Jose Rizal Lady Bombers sa pagsisimula ngayon ng 90th NCAA volleyball sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Hanap ng Lady Altas ang ikaapat na sunod na titulo pero hindi na nila makakasama ang mahuhusay at dating MVPs na sina Honey Royse Tubino at Norie Jane Diaz dahil natapos na sila sa kanilang pag-aaral.
Pero kumbinsido si Perpetual coach Sammy Acaylar na sapat ang nakuhang karanasan ng ibang naiwan at ang pagpasok ng mga baguhan pero mahuhusay na manlalaro para maging palaban sa liga.
“Ang championship experience at mindset ng mga players ang magdadala sa team,” pahayag ni Acaylar.
Pangalawang laro ito at mauunang magsukatan ay ang Arellano Lady Chiefs at Mapua Lady Cardinals na magsisimula matapos ang opening ceremony.
Ang iba pang laro ay sa hanay ng St. Benilde Lady Blazers at Letran Lady Knights, San Sebastian Lady Stags kontra Lyceum Lady Pirates at San Beda Lioness laban sa Emilio Aguinaldo Lady Generals.
Bukod sa Perpetual, hinuhulaang palaban sa kampeonato ang Arellano at ang multi-titled San Sebastian.
Si Shakey’s V-League chairman Mauricio “Moying” Martelino ang siyang inimbitahan para maging panauhing tagapagsalita ng organizers na pinamumunuan ni Peter Cayco ng Arellano.
Ang men’s division ang magsisimula bukas at bubuksan ng Altas ang kampanya sa sixth-peat kontra sa Bombers.