MANILA, Philippines – Sinong nagsasabing bilang na ang araw ni Pido Jarencio bilang head coach ng Batang Pier?
Sa ikalawang sunod na pagkakataon ay dinala ni Jarencio ang Globalport sa tagumpay matapos nilang talunin ang expansion team na Blackwater, 87-72 sa 2014-2015 PBA Philippine Cup kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Dinuplika ng Batang Pier ang kanilang naunang 84-79 panalo sa Kia Sorento noong nakaraang Martes.
“It’s a total team effort. Nagkaroon ng flow ‘yung game namin sa pagbabalik ni Alex (Cabagnot),” sabi ni Jarencio, nakahugot ng 9 points, 9 assists at 11 rebounds sa Fil-Am guard na hindi naglaro kontra sa Kia dahil sa sore throat.
Itinaas ng Globalport ang kanilang baraha sa 3-2 kapantay ang Rain or Shine (3-2) at Talk ‘N Text (3-2) sa ilalim ng Alaska (4-0), San Miguel (4-1), Meralco (3-1) at Barangay Ginebra (3-1) kasunod ang NLEX (2-3), nagdedepensang Purefoods (1-2), Kia Sorento (1-4), Barako Bull (0-4) at Blackwater (0-5).
Kumawala ang Batang Pier sa third period matapos kunin ang 68-50 abante sa dulo nito matapos ang five-point lead sa Elite sa halftime.
Pinalobo ng Globalport ang kanilang abante sa pagtatayo ng 24-point advantage, 84-60 mula sa basket ni Keith Jensen sa huling tatlong minuto ng fourth quarter.
Sa ikalawang laro, tinalo ng Barangay Ginebra ang Purefoods Hotshots, 89-66.
Globalport 87- Buenafe 17, Semerad 16, Pringle 14, Jensen 14, Cabagnot 9, Isip 8, Baclao 3, Caperal 2, Ponferada 2, De Ocampo 2.
Blackwater 72 - Faundo 16, Gamalinda 15, Artadi 11, Salvacion 10, Erram 6, Rodriguez 6, Laure 5, Ballesteros 2, Nuyles 1, Menor 0.
Quarterscores: 19-20; 45-40; 70-53; 87-72.
Ginebra 89 - Yeo 17, Slaughter 14, Baracael 13, Mamaril 12, Aguilar 11, Tenorio 7, Caguioa 7, Brondial 6, Helterbrand 2, Monfort 0.
Purefoods 66 - Simon 15, Devance 11, Pingris 10, Barroca 9, Mallari 8, Yap 7, Taha 3, Melton 2, Allado 1
Quarterscores: 19-10, 38-32, 66-49, 89-66.