Cagayan kampeon na IEM humirit pa sa Systema
MANILA, Philippines – Hindi na nagpabaya pa ang Cagayan Valley sa hangaring makopo ang kampeonato sa Shakey’s V-League Season 11 Third Conference nang pabagsakin ang Army sa limang sets, 22-25, 25-23, 25-17, 20-25, 15-9, sa Game Two ng Finals kagabi sa The Arena sa San Juan City.
Pinangatawanan ni Aiza Maizo-Pontillas ang pagiging conference MVP nang pangunahan niya ang Lady Rising Suns sa kanyang 25 hits habang ang mga Thai imports na sina Amport Hyapha at Patcharee Saengmuang ay naghatid ng 21 at 19 puntos para makumpleto ang 2-0 sweep sa katunggali.
Matamis ang panalo sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s at may suporta pa ng Accel at Mikasa dahil nakabawi ang tropa ni coach Nes Pamilar sa pagkatalo sa bataan ni coach Rico De Guzman sa Open Conference.
Nagpakawala ng 20 kills at isang service ace si Pontillas sa larong tumagal ng isang oras at 59 minuto para kilalanin din bilang Finals MVP.
Siya ang bumasag sa tatlong sunod na puntos ng Army sa fifth set para buhayin ang kanilang opensa.
Sinabayan pa ito ng mga errors ng Lady Troopers para maiwanan na ng Cagayan.
“Sinabi ko lang sa mga players na ilaro namin ang laro na tila isang defending champion. Masarap ang pakiramdam dahil nagkampeon uli,” wika ni Pamilar.
Samantala, hiniritan ng Instituto Estetico Manila Volley Masters ng deciding Game Three ang Systema Active Smashers matapos iuwi ang 19-25, 25-19, 13-25, 25-21, 15-13 sa unang laro sa men’s finals.
Hindi nawala ang focus ng Volley Masters kahit naglaho ang 8-3 kalamangan sa ikalima at huling set para maitabla ang best-of-three series.
Nakalamang pa ang Systema sa 12-11 matapos ang error ni Salvador Timbal pero nabiyayaan ang Volley Masters matapos ang service error ni Christopher Antonio sa sumunod na tagpo.
Binawi ni Timbal ang naunang error sa isang kill bago ibinigay ni Jeffrey Jimenez ang match point mula sa block kontra kay Chris Macasaet na siyang nagselyo sa kanilang panalo.
- Latest