Laro Ngayon
(Tubod, Lanao del Norte)
5 p.m. NLEX vs San Miguel
MANILA, Philippines -Nasa Hong Kong si Rain or Shine head coach Yeng Guiao, ang Pampanga Congressman, bilang kinatawan ng Kongreso sa Climate Change Forum.
Ngunit tila bagyong nirapido ng Elasto Painters ang Barako Bull Energy, 99-71, para solohin ang ikalimang posisyon sa 2014-2015 PBA Philippine Cup kagabi sa Smart Araneta Coliseum.
Nagposte si Jeff Chan ng 23 points, tampok dito ang tatlong three-point shot, at 7 rebounds para sa 3-2 baraha ng Rain or Shine kasabay ng pagpapalasap sa Barako Bull ng pang-apat nitong kamalasan.
“We totally had a different look coming from a Talk’N Text loss with no effort at all,” sabi ni Garcia sa 76-99 kabiguan ng Elasto Painters sa Tropang Texters noong Nobyembre 2.
Nag-ambag si TY Tang ng 12 points kasunod ang 11 ni Jervy Cruz at tig-10 nina Jeric Teng at JR Quiñahan para sa Painters.
Nagsalpak si Quiñahan ng isang three-point shot para ibigay sa Elasto Painters ang malaking 20-point lead, 25-5, bago magsara ang first period at iwanan ang Energy sa 64-36 sa huling apat na minuto ng third quarter.
Itinala ng Rain or Shine ang 32-point advantage, 99-67, para tuluyang ibaon ang Barako Bull sa natitirang 13.8 segundo sa final canto.
Umiskor ng tig-12 markers sina JC Intal at Willy Wilson, habang may 11 si Mic Pennisi at 10 si Denok Miranda.
Samantala, maghaharap ang San Miguel Beermen at ang NLEX Road Warriors ngayong alas-5 ng hapon sa Mindanao Civic Center Gymnasium sa Tubod, Lanao del Norte.
Parehong nanggaling sa pagkatalo ang Beermen at ang Road Warriors bago ang kanilang banggaan.
Rain or Shine 99 - Chan 23, Tang 12, Cruz Jervy 11, Teng 10, Quiñahan 10, Uyloan 9, Cruz Jericho 8, Lee 7, Norwood 4, Almazan 3, Belga 2, Ibañes 0, Tiu 0, Araña 0.
Barako Bull 71 - Intal 12, Wilson 12, Pennisi 11, Miranda 10, Garcia 8, Lastimosa 6, Fortuna 5, Salvador 2, Salva 2, Pascual 2, Marcelo 1, Paredes 0, Lanete 0.
Quarterscores: 25-7; 55-28; 72-48; 99-71.