MANILA, Philippines - Patatatagin ng Cignal HD Spikers ang paghawak sa ikalawang puwesto habang ikalawang sunod na panalo ang nais ng Mane ‘N Tail sa pagpapatuloy ngayon ng 2014 Philippine Superliga Grand Prix na handog ng Asics sa Cuneta Astrodome, Pasay City.
Ang HD Spikers ay sasagupa sa walang panalong Foton Tornadoes sa ikalawang laro na magsisimula matapos ang tagisan ng Lady Stallions at RC Cola-Air Force Raiders sa alas-2 ng hapon.
Rambulan sa unang panalo matapos madiskaril sa unang laro ang magaganap sa Cavite at Maybank sa kalalakihan na mapapanood sa alas-6 ng gabi.
Winakasan ng Mane ‘N Tail ang dalawang dikit na pagkatalo sa ligang inorganisa ng Sports Core at suportado ng Air21, My Phone, Via Mare, Mikasa, Mueller Sports Medicine, Healthway, Generika Drugstore, LGR at Jinling Sports bilang technical partners, gamit ang 25-22, 17-25, 22-25, 25-18, 15-8, panalo kontra sa Foton.
Mas mabigat na kalaban ang Raiders na gusto ring bumangon mula sa 30-28, 23-25, 16-25, 19-25, pagkatalo sa Petron Lady Blaze Spikers.
Ngunit asahan na palaban pa ang Tornadoes dahil sa galing ng import na si Kristy Jaeckel na sa nakuhang unang panalo ay nagpasabog ng 40 puntos mula sa 32 kills at tig-apat na blocks at aces.
Naputol ang two-game winning streak ng Cignal nang bumulagta sa Petron sa straight sets, 17-25, 20-25, 23-25.
Naniniwala si HD Spikers coach Sammy Acaylar na natauhan ang kanyang manlalaro at mas pagtutuunan ng isip ang bawat laro matapos mapahiya sa Lady Blaze Spikers na hindi pa natatalo matapos ang apat na laro.