MANILA, Philippines - Bumangon ang Generika Life Savers mula sa pagkatalo sa unang set tungo sa 15-25, 25-22, 25-20, 25-15, pananaig sa Foton Tornadoes sa 2014 Philippine Superliga Grand Prix na handog ng Asics kahapon sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
Ang betaranang Rusian import na si Natalia Korobkova ay gumawa ng 21 puntos habang ang mga locals na sina Aby Maraño at Stephanie Mercado ay may 15 at 10 puntos pa para ibigay sa Generika ang unang panalo matapos ang tatlong laro sa ligang inorganisa ng Sports Core at may suporta ng Air 21, My Phone, Via Mare, Mikasa, Mueller Sports Medicine, Healthway Medical, Generika Drugstore, LGR at Jinling Sports bilang technical partners.
Naglaro sa US, Turkey at Italy, si Korobkova ay may 16 kills at limang blocks habang sina Divine Eguia at Michelle Gumabao ay tumulong din kahit hindi kabilang sa starting six ng koponan.
Ibinandera ng Foton ang mga Russian imports na sina Irina Tarasova at Elena Tarasova sa kanilang 16 at 14 puntos pero tahimik ang mga locals para lasapin ng koponan ang ikatlong sunod na pagkatalo sa anim na koponang liga sa kababaihan.
Matapos matalo sa ikalawa at ikatlong sets, nagbanta ang Foton na kukunin ang fourth set matapos ang 8-6 bentahe.
Pero nabuhay uli ang laro ni Korobkova bago naghatid ng mahalagang puntos sina Mercado at Maraño tungo sa 10-3 palitan at hawakan na ng Generika ang 16-11 lead.