MANILA, Philippines - Asahan na hihigitan pa ng PLDT Home Telpad Turbo Boosters at FEU Tamaraws ang naipakitang laro noong Martes para angkinin ang inaasam na ikatlong puwesto sa pagpapatuloy ng Shakey’s V-League Season 11 Third Conference ngayong hapon sa The Arena sa San Juan City.
Katipan ng PLDT ang determinadong Meralco Power Spikers sa tampok na laro na magsisimula matapos ang bakbakan ng FEU at RTU Blue Thunders sa men’s division sa alas-2 ng hapon.
Bibitbitin ng Turbo Boosters at Tamaraws ang mga magagandang panalo na naitala noong Martes para siluin ang ikatlong puwesto sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s bukod sa suporta ng Accel at Mikasa.
Lumabas ang taglay na karanasan nina Sue Roces, Gretchel Soltones, Angela Benting at Ruby De Leon para makabangon ang Turbo Boosters sa 1-2 set iskor tungo sa 25-21, 21-25, 20-25, 25-20, 15-11, panalo.
Nananalig ang pamunuan ng PLDT na magpapatuloy ang matikas na laro ng koponan lalo pa’t inaasahan na hahataw nang husto ang Meralco para pigilan ang paglasap ng ikawalong sunod na pagkatalo.
Sina Wanida Kotruang at Aby Maraño ay mga nagdala ng laban sa Meralco sa Game One at inaasahang sila rin ang sasandalan sa larong ito.
Pero dapat na makuha nila ang suporta ng mga kasamahan para mapaabot sa sudden death ang best-of-three series.
Ang Game Three ay paglalabanan sa darating na Martes.
Bibitbitin ng FEU ang 30-28, 21-25, 25-16, 25-23, panalo laban sa RTU para lumabas na ikatlong pinakamahusay na koponan sa unang men’s division sa liga.