MANILA, Philippines - Ipinagdarasal ni PSC chairman Ricardo Garcia na maipasa na ang inamyendahang Republic Act 9064 para matukoy na ang halaga ng insentibo na ibibigay para sa mga differently-abled athletes na nananalo sa malalaking kompetisyon tulad ng Asian Para-Games.
Wala sa naipasang batas ang insentibo para sa differently-abled athletes at ang pabuyang ibinibigay sa mga nananalo ay kusang loob na ibinibigay ng PSC board.
Dahil dito, ang halaga ng insentibo ay malayo sa ibinibigay sa mga atletang nananalo sa Asian Games.
Sa batas ay P1 milyon, P500,000.00 at P100,000.00 ang gantimpala ng gold, silver at bronze medalists sa Asiad habang P25,000.00, P15,000.00 at P10,000.00 ang gantimpala ng gold, silver at bronze medalists sa Para-Games.
“Hindi sakop ng Incentives Act ang pagbibigay sa mga differently-abled athletes kaya talagang malayo ang amount dahil ito ay kukunin sa pondo ng PSC at discretion ng PSC board. Di tulad sa mga nanalo sa Asian Games o iba pa na ang pinaghuhugutan ng pondo ay ang PAGCOR at defined kung magkano ang kanilang matatanggap,” wika ni Garcia.
Gumugulong na ang usapin na amyendahan ang Incentives Act sa Kongreso at umaasa si Garcia na bago matapos ang termino ng kasalukuyang administrasyon ay maipasa ito para magkaroon din ng magandang pagtrato ang mga differently-abled athletes.