Aksyon sa UAAP Season 77 men’s football sisipa sa Nov. 29

MANILA, Philippines – Sisipa ang mga aksyon sa UAAP Season 77 men’s football tournament simula sa Nobyembre 29 kung saan hangad ng Far Eastern University ang back-to-back titles.

Unang sasalang ang 2013 runner-up kontra sa La Salle sa alas-4 ng hapon kasunod ang banggaan ng Season 75 champion Ateneo laban sa UE  sa alas-6 ng gabi sa Moro Lorenzo Football Field.

Sisimulan ng Tamaraws ang kanilang pagdedepensa laban sa UST  Tigres sa Nobyembre 30 sa  FEU-Diliman pitch matapos ang salpukan ng Adamson at NU sa ala-1 ng hapon.

Sa kabila ng pagkawala ng nag-graduate nang si Dexter Chio, nananatiling mabigat na koponan pa rin ang FEU dahil kina MVP Paolo Bugas at ace striker Jess Melliza.

Sasagupain ng Falcons ang  Archers sa Dis­yembre 4 sa FEU-Diliman pitch na isasaere sa ABS-CBN.

Ang iba pang televised first round matches ay ang Bulldogs-Fighting Maroons sa Disyembre 11, ang Red Warriors-Growling Tigers sa Disyembre 18 at ang Tamaraws-Blue Eagles sa Enero 15.

Magsisimula naman ang women’s football sa Nobyembre 30 sa Moro Lorenzo Football Field tampok ang pagharap ng Ateneo sa UP sa ala-1 ng hapon at ang laro ng La Salle at UST sa alas-3.

Paborito pa rin ang Lady Tamaraws na sasagupa sa Lady Maroons sa Disyembre 7.

Show comments