MANILA, Philippines - Nakitaan ng katatagan ang Jumbo Plastic Giants para maigupo ang hamon ng Cebuana Lhuillier Gems, 63-61, at manatili sa itaas ng team standings sa PBA D-League Aspirants’ Cup kahapon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Si Dexter Maiquez at Mark Cruz ang sinandalan ng Giants para makuha ang ikalawang sunod na panalo at ipatikim sa Gems ang unang kabiguan matapos ang dalawang laro.
“We need this kind of game to build our confidence,” wika ni Giants coach Stevenson Tiu.
Parehong tumapos sina Maiquez at Cruz taglay ang tig-14 puntos at ang dating manlalaro ng San Sebastian Stags ay nagpakawala ng dalawang triples para bigyan ang Jumbo Plastic ng 61-56 kalamangan sa huling 35 segundo ng labanan.
Hindi pa bumigay ang Gems at sa pamamagitan ng kamay ni Kevin Ferrer ay nakapanakot ito sa 62-61, wala ng isang segundo sa orasan.
Nagbigay agad ng foul ang Gems kay Cruz at matapos ipasok ang una ay sadyang minintis ang ikalawa sabay tunog ng final buzzer.
Si Ferrer ay may 14 puntos pero ang mga nasa double-digits sa 89-70 panalo sa Racal Motors sa unang asignatura na sina Paul Zamar at Allan Mangahas ay nalimitahan sa tig-anim na puntos sa pagkakataong ito.
Bago ito ay nakuha ng Hapee Fresh Fighters ang kanilang unang panalo sa 69-61 tagumpay sa AMA University Titans.
Kita pa ang pangangapa sa isa’t isa ng mga kamador ng Hapee pero lutang ang individual talent ng bawat manlalaro para hindi maunsiyami ang inasahang magandang panimula ng koponang hawak ni coach Ronnie Magsanoc.
“Sa skill level ng mga players ako umasa dahil hindi pa talaga kami nagsasanay as a team dahil ang iba ay naghahanda pa sa PCCL,” wika ni Magsanoc.
Si Troy Rosario ay gumawa ng 12 puntos mula sa bench para pasiklabin ang 39-20 bench points lead ng Hapee sa AMA.
May 11 puntos si Bobby Ray Parks Jr. para sa Fresh Fighters.