MANILA, Philippines - Dumating kahapon si dating National Basketball Association superstar Allen Iverson sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) terminal 2 sakay ng Philippine Airlines flight PR 105 mula sa San Francisco.
Pangungunahan ni Iverson ang isang fund raising event para sa Gawad Kalinga at magdaraos ng basketball clinic para sa mga bagitong basketball players bukod pa sa isang basketball game laban sa mga local players sa November 5, 2014 sa Mall of Asia Arena.
Si Iverson ay sinamahan nina Demetrius Spencer, Ball Up CEO; Eddy Curry, Dermarr Johnson, at mga dating NBA players na sina Grayson Boucher, Larry Williams, Taurian Fontenette, Ryan Williams, Gary Smith, Aaron Owens at Anthony Phimble.
Magsasagawa sina Iverson at two-time PBA Grandslam coach Tim Cone ng basketball clinics para sa mga batang may edad 10 hanggang 15-anyos sa Gawad Kalinga Bulaklakan Chapter sa Bgy. Holy Spirit sa Quezon City ngayon.
Tatayong coach si Iverson para sa isang US selection sa basketball game sa Nobyembre 5 sa Mall of Asia Arena.
Sina Curry at Johnson ay maglalaro para sa Team PCWorx na gagabayan naman ni Cone.
Ang nasabing koponan ay pamumunuan nina UAAP MVP Kiefer Ravena ng Ateneo at La Salle star Jeron Teng bukod pa sa mga players ng NCAA.
Ang Team Gawad Kalinga ni Iverson ay kinabibilangan ng mga Ball Up Streetball All-Stars kasama sina dating PBA stalwarts Jerry Codiñera, Willie Miller at Renren Ritualo.