Laro Ngayon
2 p.m. IEM vs Systema (Men’s finals)
Awards rites
4 p.m. Army vs Cagayan (Women’s finals)
MANILA, Philippines - Lalapit ang Army Lady Troopers sa posibleng ikalawang sunod na titulo pero handa ang Cagayan Valley Lady Rising Suns na pigilan ang planong ito.
Sa ganap na alas-4 ng hapon ay magtutuos ang Army at Cagayan Valley sa pagsisimula ng best-of-three women’s Finals ng Shakey’s V-League Season 11 Third Conference.
Ang Instituto Estetico Manila Volley Masters at Systema Active Smashers ay mag-uunahan din sa mahalagang 1-0 bentahe sa pagbubukas ng men’s Finals sa ganap na alas-2 ng hapon.
Papagitna sa dalawang kapana-panabik na championship games sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s bukod sa suporta ng Accel at Mikasa, ay ang paggawad ng parangal sa mga mahuhusay na manlalaro ng liga sa Awards rites.
Hindi pa natatalo ang Army sa anim na laro na hinarap sa elimination round para mapaboran sa laban kahit naglalaro ng walang imports.
Ang mga players na nagtulung-tulong nang alisan ng korona ang Cagayan sa Open Conference na sina Jovelyn Gonzaga, Mary Jean Balse, Rachel Ann Daquis at setter Tina Salak ay sinahugan sa paghugot kina Dindin Santiago at Carmina Aganon para tumikas pa ang puwersa ng koponan.
Pero asahan na ibang Lady Rising Suns ang kanilang makakaharap dahil tiyak na mas nagkagamayan na ang mga locals at dalawang mahuhusay na Thai imports ni coach Nestor Pamilar.
Sina Saengmuang Patcharee at Hyapha Amporn ay nakapaglaro lamang sa second round at nagawang pahirapan ang Army sa ikalawang pagtutuos bago bumigay sa fifth set (22-25, 24-26, 28-26, 25-23, 13-15).
Ang unang pagkikita ay nauwi rin sa limang sets na inangkin ng Army sa 17-25, 25-17,17-25, 25-21, 15-13, iskor.
“Kailangang hindi lamang ang mga imports namin ang aatake para hindi kami madepensahan,” wika ni Cagayan coach Nestor Pamilar na pinangunahan ang liga sa spiking (34.33% success rate), serve (2 average per set) at receive (24.04%).
Lumabas ang Army bilang una sa blocking (2.69 ave. per set) at pumangalawa sa serve, digs at setters para katampukan ang magandang panimula.(ATan)