Laro Bukas
(The Arena, San Juan City)
2 p.m. IEM vs Systema (Game 1 men’s Finals)
4 p.m. Army vs Cagayan (Game 1 women’s Finals)
MANILA, Philippines - Hindi garantiya ang dalawang sunod na panalo sa elimination round para makuha ng Instituto Estetico Manila Volley Masters ang kampeonato sa men’s division sa Shakey’s V-League Season 11 Third Conference.
Bukas ay magsisimula ang best-of-three finals series sa pagitan ng Volley Masters at Systema Active Smashers at inaasahang magiging balikatan ang tagisan dahil parehong determinado ang magkabilang koponan na maiuwi ang kampeonato sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s, Accel at Mikasa.
“Kailangang maipakita namin na kaya naming hawakan ang pressure,” wika ni IEM coach Ernesto Balubar matapos kunin ang four-sets win sa Systema noong Huwebes para maisunod sa kanilang five-setter victory sa unang pagkikita noong Oktubre 5.
Sina Karl dela Calzada, Jeffrey Jimenez at Jason Canlas ang mga mangunguna sa IEM pero naririyan din ang suporta nina Michael Conde, Salvador Timbal, Rudy Gatdula at team captain Rennz Ordonez para ilapit ang sarili sa isang panalo tungo sa pagdeklara bilang kampeon ng dibisyon.
Handa namang wakasan ng Active Smashers ang dominasyon ng Volley Masters sa kanila.