MANILA, Philippines - Hindi mangingimi ang pamunuan ng Tanduay Light Rhum Masters na dumulog sa korte para ipaglaban ang kanilang karapatan kay FEU Tamaraws power forward Mark Belo.
Si Belo ay pinili ng koponang dating kilalang Boracay Rhum Waves bilang second round pick noong 2013 Rookie Draft ng PBA D-League.
Pumirma ang 6-foot-4 cager ng kontrata noong Oktubre 1, 2013 at ito ay magtatagal hanggang Mayo ng 2015.
Nagkaroon ng problema dahil ang Tamaraws ay sinusuportahan ng MJM M-Builders sa idinadaos na PBA D-League Aspirants’ Cup at si Belo na may isang taon pang playing year sa UAAP ay nais na samahan ang mga kakampi sa nasabing koponan.
Sa panayam kay coach at operations manager ng Tanduay na si Lawrence Chongson, sinabi niya na bagama’t bukas ang kanyang koponan na bitiwan si Belo para makapaglaro sa FEU, hindi naman ito puwedeng gawin kung sa kalabang koponan nila maglalaro ang dating national player na nakatulong sa pagsungkit ng gintong medalya sa 2013 Myanmar SEA Games.
“Kung sa ibang liga maglalaro ang FEU, okey sa amin na bitiwan siya. Pero hindi sa iisang liga at sa kalaban namin siya maglalaro,” wika ni Chongson.
Kumikilos ang Tanduay para hindi mawala si Belo matapos mauwi sa wala ang pagkuha bilang No. 2 pick overall sa isinagawang drafting kay Chris Newsome ng Ateneo.
Hindi nabigyan ng offer ng koponan ang 6’2 Fil-Am guard sa loob ng limang araw matapos ang drafting kaya ito nakuha ng Hapee Toothpaste.
Nilinaw ni Chongson na hindi nila puwedeng ibigay ng hindi lumalaban si Belo.
Nagsabi na ang PBA na hindi makikialam sa player at sa koponan dahil internal problem ito.
“As a coach, kung ayaw sa amin, bakit ko pipilitin. Pero bilang operations manager, kailangan kong pangalagaan ang interes ng team. Bibigyan pa namin siya ng panahon pero kung hindi pa rin siya magpapakita, wala na akong magagawa kundi ang pumunta sa korte,” babala pa ni Chongson kay Belo.