MANILA, Philippines - Tinanggap nang maluwag ni Chot Reyes ang pagkakasibak sa kanya ni Samahang Basketbol ng Pilipinas president Manny V. Pangilinan bilang head coach ng Gilas Pilipinas.
“I fully support the process. Tama naman ‘yun, lahat ng programa at the end of it kailangan i-evaluate, kailangan i-assess kasi that’s how a program develops,” wika ni Reyes sa panayam sa kanya ni Jessica Soho sa programang ‘State of the Nation’ kamakalawa ng gabi.
Sa kanilang board meeting noong Martes ay nagdesisyon ang SBP Board na bumuo ng isang screening-selection committee para sa paghahanap ng bagong head coach ng Gilas Pilipinas at ng mga miyembro ng national pool.
Bagama’t hindi direktang inihayag ang pagkakatanggal kay Reyes at ang pagkakabuwag sa Gilas Pilipinas, malinaw ang kagustuhan ni Pangilinan na humanap ng mga bagong bubuo sa Nationals.
“As to whether I will continue to be the Gilas coach or not depends on the SBP Board under whose mandate I have served since being appointed as Head Coach since 2012,” wika ni Reyes.
Ilan sa mga inaasahang magiging kandidato para sa top post sa Gilas Pilipinas ay sina Tim Cone ng Purefoods, Yeng Guiao ng Rain or Shine, Norman Black ng Meralco at Jong Uichico ng Talk ‘N Text.
Ang apat ay may mga eksperyensa na sa pamamahala sa national team.
Ngunit ayon kay SBP executive director Sonny Barrios, maaari pa ring maikunsidera si Reyes bilang coach ng Gilas Pilipinas.
“I continue to serve at their mandate. Kung gusto pa nila, OK. Kung ayaw nila, OK din,” wika ni Reyes.
Magbabalangkas ang screening-selection committee ng “short list” ng mga kandidato para sa coaching job sa Gilas Pilipinas.
Ito ay kanilang isusumite sa SBP Executive Committee na binubuo ng SBP chairman, president, vice chairman, vice president at executive director.
Ang dalawa sa mga torneo na tinatarget salihan ng SBP sa 2015 ay ang 28th Southeast Asian Games sa Singapore sa Hunyo at ang 28th FIBA-Asia Championship sa China sa Agosto na magsisilbing regional qualifier ng Rio de Janeiro Olympic Games sa 2016.