P1.5M ilalatag ng Bingo Bonanza sa national open badminton
MANILA, Philippines - Patikim pa lamang ang tagumpay na naitala ng Pilipinas sa 2014 Swiss International Challenge men’s doubles sa mga larangan ng badminton.
Sa pagbisita sa PSA Forum sa Shakey’s Malate ni Philippine Badminton Association (PBA) sec/gen at Negros Occidental Rep. Albee Benitez, may mga susunod pang malalaking panalo ang nakikita ng asosasyon lalo pa’t unti-unti ang pagbunga ng dalawang taong intensibong pagsasanay na ginawa sa kanilang national players.
Kinilalang kampeon sina Paul Jefferson Vivas at Peter Gabriel Magnaye sa men’s doubles sa nasabing kompetisyon habang ang isang pares na sina Philip Escueta at Ronel Estanislao ay umabot sa quarterfinals.
“Kung noon ang tingin sa mga manlalaro ng Pilipinas ay kayang lampasan, ngayon hindi lamang nila nakita na hindi na nila kayang lampasan kundi kaya pang magkampeon ang mga players natin,” wika ni Benitez.
Naniniwala si Benitez na hindi dito natatapos ang pagkinang ng Pambansang manlalaro at naaaninag na kayang maisakatuparan ang pangarap na may isang manlalaro na mag-qualify sa Olympics sa 2016.
“But let’s put everything in prespective. Hindi naman kami overnight na nangyari ito. Pero nandoon na tayo, we were able to achieve our wildest dream before to be able to compete internationally. We have optimistic view that we can qualify a Filipino player for 2016 Olympics and onwards,” paniniyak ni Benitez.
Patuloy na isasali ang mga pambato sa malalaking torneo at kasama na rito ang pagsalang sa Bingo Bonanza National Open na gagawin mula Disyembre 11 hanggang 14 sa Rizal Memorial Badminton Hall.
Bukas sa lahat ng manlalaro ang kompetisyong may basbas ng PBA at suportado ng Bingo Bonanza na naglaan ng P1.5 milyon premyo at ang singles champion sa men’s at women’s ay tatanggap ng P100,000.00 habang P120,000.00 sa doubles at mixed doubles champion.
“This is a major event and Bingo Bonanza is here because we believe that badminton is one of the sports that can bring glory to the Philippines,” pahayag ni Al Alonte, VP ng Bingo Bonanza na dumalo rin sa Forum kasama si tournament director Nelson Asuncion, Indonesian doubles coach Paulus Firman at ang apat na badminton players.
Ang Eventking Corp. ang organizer ng palaro at ang registration ay gagawin mula Nobyembre 8 hanggang 28 at ang entry fee ay nasa P800 lamang.
Ang posting ng mga manlalaro ay sa Disyembre 1 habang ang draw ay sa Disyembre 5. Ilalabas ang iskedul sa Disyembre 7 habang ang team managers, coaches at players meeting ay sa Disyembre 9.
Maaaring bisitahin ang www.bingob.com/nationalopentournament o mag-emal sa [email protected]. (ATan)
- Latest