MANILA, Philippines - Pag-aagawan ngayon ng Petron Lady Blaze Spikers at Cignal HD Spikers ang unang puwesto sa 2014 Philippine Superliga Grand Prix na handog ng Asics na magbabalik sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
Ikatlong sunod na panalo ang tutuhugin ng mananalong koponan sa larong itinakda dakong alas-4 ng hapon para tumibay ang paghahabol ng puwesto sa finals sa ligang inorganisa ng Sports Core at may ayuda pa ng Air21, My Phone, Via Mare, Mikasa, Mueller Sports Medicine, Healthway Medical, Generika Drugstore, LGR at Jinling Sports bilan technical partners.
Tiyak na magiging mainitan ang labanan dahil parehong nagtataglay ng mahuhusay na imports at locals ang magkabilang panig.
Ang Blaze Spikers ay huhugot ng lakas kina Alaina Bergsma at Erica Adachi pero hindi pahuhuli ang mga locals na sina Dindin Santiago at Carmina Aganon.
Sina Santiago at Aganon ay naghatid ng 11 at 15 puntos nang daigin ng Petron ang palabang Mane ‘N Tail, 21-25, 25-16, 25-21, 29-27, noong Sabado sa Sto. Domingo, Ilocos Sur.
“I expect this game to go down the wire because pride will be at stake. It will boil down to who wants it more,” wika ni Petron coach George Pascua.
Palaban din ang Cignal na may ipinagmamalaking dalawang mahuhusay na imports sa katauhan nina Lindsay Stalzer at Sarah Ammerman.
Sina Stalzer at Ammerman ay gumawa ng 25 at 22 puntos nang kalusin ng Cignal ang Lady Stallions sa apat na sets.
“These girls love to compete especially against a strong team like Petron. I’m sure the challenge will bring the best out of them,” tugon ni Cignal coach Sammy Acaylar.
Unang laro sa ganap na alas-2 ng hapon ay sa pagitan ng wala pang panalong teams na Mane ‘N Tail at Foton habang ang pang-alas-6 ng gabi na tunggalian ay sa hanay ng Cavite at PLDT-Air Force sa kalalakihan. (AT)