Uhaw sa knockout
Depende sa kalalabasan ng laban niya sa Macau sa Nov. 23 ang magiging desisyon ni Manny Pacquiao kung mananatili pa siya sa welterweight division.
Sa timbang kasi na 147 pounds ay nahihirapan na si Pacquiao na mapaligaya ang kanyang mga fans na nasanay sa kanyang mga panalong knockout nung siya ay nasa mababang timbang pa.
Binugbog ni Pacquiao si Oscar dela Hoya sa kanilang labanan sa 147 pounds nung 2008 at pinatumba naman niya si Miguel Cotto nung 2009.
Yun na ang huling panalo ni Pacquiao na knockout.
Wala na siyang napatulog sa mga laban niya kay Joshua Clottey, Antonio Margarito o kaya ay si Shane Mosley. Hindi rin niya napatulog si Timothy Bradley at kahit na si Brandon Rios.
Sa katunayan ay siya pa ang minsang natsambahan ni Juan Manuel Marquez.
Ang hinala ng lahat, puwedeng kinakaya ng mga kalaban ni Pacquiao ang suntok niya sa 147 pounds o kaya naman ay tunay na humihina na ang kanyang mga suntok.
Para mapatunayan ito, iniisip ni Pacquiao at ng kanyang coach na si Freddie Roach na muling bumaba sa 140 pounds o light-welterweight.
Titingnan daw nilang mabuti ang ikikilos ni Pacquiao laban kay Chris Algieri sa Macau.
Mataas si Algieri. Halos six-footer. Walang talo.
Nangako si Roach na dadating ang knockout sa laban na ito. Si Pacquiao naman ay ayaw magsalita ng tapos kahit na alam mong gusto niya maka-knockout.
Kung mapapatumba kasi ni Pacquiao si Algieri, pwede silang mag-isip manatili sa 147 depende kung sino ang mga nakalinyang kalaban.
At kung hindi naman at maging ang isang 12 round na bugbugan na naman ay malamang na desisyunan na nilang bumaba muli sa 140.
Kaya pa naman daw ni Pacquiao ang timbang na 140.
“Yun nga siguro ang perfect,” ika niya.
- Latest