MANILA, Philippines – Kung tinalo nina Mexican legends Erik Morales at Juan Manuel Marquez si Manny Pacquiao ay kaya rin itong gawin ni American challenger Chris Algieri sa Filipino world eight-division champion.
Sinabi ni Algieri na ipinakita ng mga panalo nina Morales at Marquez ang kahinaan ni Pacquiao.
“I think those guys, Erik Morales and Juan Manuel Marquez showed holes in Manny’s style and his defense and they started figuring out Manny more and more, Marquez especially,” wika ni Algieri sa panayam ng ThaBoxingVoice.com. “He was able to adjust and re-adjust and broken rhythms to kind of break up Manny rhythmic style.”
Tatlong beses naglaban sina Morales at Pacquiao at nakalamang si ‘Pacman’ sa 2-1, habang may 3-1 record naman ang Sarangani Congressman laban kay Marquez.
Sa kanilang huling laban ay pinabagsak ni Marquez si Pacquiao sa sixth round sa kanilang ikaapat na paghaharap noong Disyembre ng 2012.
Sinabi ni Algieri na marami siyang mapupulot na bagay mula kina Morales, Marquez at Timothy Bradley, Jr. para durugin si Pacquiao.
“Erik Morales was another guy who disrupted the rhythm in the first fight. Tim Bradley showed a lot of things too that showed holes in Pacquiao’s style,” wika ni Algieri. “My coaches are really studying tape intently. I don’t study tape. I leave it to my coaches to come up with scientific game plan and it becomes muscle memory.”
Nakatakdang itaya ng 5-foot-6 na si Pacquiao ang kanyang suot na World Boxing Organization welterweight crown laban sa 5’10 na si Algieri sa Nobyembre 22 sa The Venetian sa Macau, China.
Gagawin ito sa catchweight fight na 144 pounds, mas mababa ng tatlong libra sa welterweight limit na 147 pounds.
Samantala, inamin kahapon ni Pacquiao na umaasa siyang mapaplantsa ang super fight nila ni Floyd Mayweather, Jr. sa susunod na taon.
“Hopefully, that fight will happen by next year,” sabi ng 35-anyos na si Pacquiao (56-5-2, 38 KOs) sa kanyang pakikipagsagupa sa 37-anyos na si Mayweather (47-0-0, 26 KOs). “I’m crossing my fingers that fight will happen but right now my mind is already set to focus on my next fight with Algieri.
Tatlong beses nabasura ang negosasyon para sa Pacquiao-Mayweather mega showdown, sinasabing magbibigay sa dalawang boksingero ng tig-$200 milyon, dahil sa isyu sa hatian sa premyo hanggang sa pagsailalim sa isang Olympic-style random drug at blood testing.
Nauna nang sinabi ni Mayweather, ang American world five-division titlist, na dapat munang talunin ni Pacquiao si Algieri (20-0-0, 8 KOs) bago sila mag-usap para sa kanilang laban sa 2015.
Sinasabing ang laban kay Mayweather ang magiging huli ni Pacquiao bago tuluyang magretiro.