Raiders sinalanta ang Life Savers
STO. DOMINGO, Ilocos Sur--Nagtuwang sa depensa sina American import Emily Brown at Joy Cases sa dulo para ibigay sa RC Cola-Air Force ang 25-20, 25-23, 18-25, 27-25 panalo kontra sa Generika sa 2014 Philippine Superliga Grand Prix women’s Grand Prix na inihahandog ng Asics sa Sto. Domingo Coliseum dito.
Ito ang ikalawang panalo ng Raiders sa women’s division ng inter-club tournament na inorganisa ng Sports Core katuwang ang Air21, My Phone, Via Mare, Mikasa, Mueller Sports Medicine, Healthway Medical, Generika Drugstore, LGR at Jinling Sports bilang technical partners.
Pumalo si Brown ng 19 kills at 2 blocks para tumapos na may 22 points, habang nagdagdag si Cases ng 17 kills, 2 aces at 2 blocks para sa kanyang 21 points.
Nanggaling ang RC Cola-Air Force sa kabiguan sa Cignal.
“Nagulat kami nang matalo kami sa first game,” sabi ni Raiders head coach Rhovyl Verayo, ang dating beach volley star na pumalit kay Clarence Esteban.
“Kami kami nag-regrouped at pinag-aralan namin ‘yung plays para makabawi kami,” dagdag pa nito.
Matapos kunin ang unang dalawang sets, inaasahan na ng RC Cola-Air Force na madaling maitatala ang una nilang panalo.
Ngunit sumandig ang Life Savers kay Russian import Natalia Korobkova para maagaw ang third set at nagbantang paaabutin ang laro sa deciding fifth set.
Subalit nagbigay ng magandang depensa sina Brown at Cases para patahimikin si Korobkova.
Tumapos ang Russian import na may 31 points para sa Generika, nangungulelat kasama ang Mane ‘N Tail sa magkatulad nilang 0-2 win-loss card.
- Latest