MANILA, Philippines - Maitim ang kulay ng kanyang balat, kulot ang maiksing buhok na nababalutan ng makulay na headbond at mahahaba ang mga biyas.
Sa unang tingin ay aakalain mong isa siyang foreign athlete.
“Ang tatay ko po ay isang Black American at merchant seaman po siya,” sagot ni Ailah Ingram nang tanungin ang kanyang pagkatao. “Pinay po ang nanay ko kaya proud po ako.”
Lumikha ng eksena ang 12-anyos na si Ingram matapos magtakbo ng limang gintong medalya sa limang events ng elementary girls athletics sa 27th MILO Little Olympics National Finals kahapon sa Marikina Sports Complex sa Marikina City kahapon.
Bumandera ang 5-foot-3 na si Ingram sa mga events na 200-meter run, 400m run, 800m run, 4x100m relay at 4x400m relay para sa koponan ng National Capital Region.
Nakakagulat na sa isang katulad niyang first-timer sa nasabing kompetisyon ay limang gold medals kaagad ang kanyang naibulsa.
“First time ko pong sumali rito sa MILO Little Olympics pero nakasali na rin po ako sa last edition ng Palarong Pambansa, kaya lang wala akong nakuhang medal doon,” kuwento ng Grade 6 student ng Dr. Jose Rizal Elementary School.
Ang bunso sa tatlong magkakapatid ay nagsimulang maengganyo sa athletics noong naaraang taon.
“Nu’ng una, parang laru-laro lang sa akin ang athletics. Pero nang tumagal parang nagustuhan ko na rin kaya kapag wala akong pasok nagte-training ako kasama si coach Fernando Dagasdas,” sabi ni Ingram.
Bagama’t walang nabanggit na iniidolo niyang atleta, umaasa si Ingram na makakasama siya sa national team balang araw.
“Pangarap ko po talagang makasama sa National team para makasali ako sa SEA (Southeast Asian) Games kasi maraming bansa ang makakalaban ko doon eh,” ani Ingram. “Masarap kapag malalakas ang kalaban mo kasi matsa-challenge ka talaga.”
Hindi natin alam ngunit baka sa mga susunod na taon ay mamayagpag ang pangalan ni Ingram sa SEA Games at maging sa Asian Games.
“Wala namang masama kung mangarap ka po eh. Basta magtiyaga ka lang at magsikap,” sabi ni Ingram sabay inom ng MILO energy drink.